Thursday, May 16, 2019

Kilala

   

Image result for friendship




   Dama niya, ang sarap ng haplos ng hangin habang nakikinig ng musikang nagagawa ng mga daliring pumipindot sa isang luma pero makabuluhang intrumento.

   Di mawari ni Robert na pagkatapos ng lahat ng nangyari sa buhay niya, mauuwi lang siyang magisa sa isang kwartong nakikisama sa lungkot niya.

   Dumaan ang mga panahon ng sarap, dumaan ang mga panahon ng hirap, ngunit sa bandang huli, tila ba'y hinarap nya lang ang lahat ng nagiisa at walang kasama.

   Dapat ba na mas nagtalaga siya ng kanyang mga kasama, o kahit man lamang ng isang matalik na kaibigan? O sadyang palamuti lamang sa buhay nya ang mga ito.

   Dumaan ang libo libong tao sa buhay niya pero ni isa, wala man lamang tumuring sa kanya bilang isang perlas na dapat pangalagaan, itago, at ingatan.

   Dapat ba na di siya nakisama sa lahat ng tao sa paligid niya at kumupkop na lang ng isang tao na papahalagahan siya. Na kahit di pagsisinta basta isang samahang di mauuwi sa wala.

   Dala ng kanyang pighati na sa kanyang pagiisa, ay wala pala talaga siya naging kaibigan, kundi mga kakilala at nakasama lamang.


galing dito ang larawan

YAMANG!


Image result for boastful



Ang pera nauubos pero ang yabang hindi.

Naniniwala ako sa katagang iyan, dahil alam ko naman na di ako mayaman, pero pagdating sa yabang tiyak ko lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na pag tama ako at may pruweba ako, tama ako. Minsan sablay lang kasi mas tama sila kaya lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na kahit anong gawin ko, basta sumablay ako mali ako. Normal naman yun sa lahat ng tao. Pero minsan lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na mananatili akong palpak sa paningin nila. At kahit anong patunay na nahigitan ko na ang lahat ng mga dapat kong higitan ano man gawin ko ay kapalpakan. At pag may oras na kumontra ako, lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na kahit nagkakamali ang mga nauna sa akin. At kahit anong pilit nila dati walang kumokontra. Ako pag kumontra ako magagalit sila kasi nga lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na madalas nakakalimutan ko ang rumespeto pero di naman nawawala yun kaya nandun pa rin naman ang respeto ko gusto ko lang rin ng respeto sa ginagawa ko pero di pwede dahil lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na tatanda rin ako kagaya nila pero dumaan rin sila sa kalagayan ko. Sana alam rin nila kung paano rin ang naramdaman nila noon dahil iniintindi ko rin naman ang kalagayan nila ngayon. Pero hindi  pwede yun dahil lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako mayabang ako at yun ang totoo.  Pero isipin nyo rin kung ano nga ba ang  pinagyayabang ko. Dahil kahit anong gawin ko lumalabas mayabang ako.

galing dito ang larawan.

Monday, June 19, 2017

Felix

  


  May nagtanong sa akin dati, bakit daw namin nilalagyan ng pangalan ang mga sasakyan namin. Simple lang naman ang sagot, yun ay dahil gusto namin bigyan ng kahalagahan ang isang bagay na gagamitin namin ng madalas at matagal.

  Kung tutuusin ang isang sasakyan ay walang emosyon, walang nararamdaman, at higit sa lahat walang sariling isip. Pero kahit isa siyang bagay o kagamitan lamang, tandaan mo na ang isang sasakyan ay isang bagay na may hawak ng buhay mo habang ginagamit mo.

  Naalala ko nga yung anime na One Piece na tungkol sa pirata. Dahil sobrang minahal ng mga bida yung sinasakyan nilang barko na si Going Merry, nagkaroon ito ng sariling buhay at kahit dumating na yung point na nawala na siya sa karagatan dahil sa bagyo, dumating pa rin siya para iligtas ang mga bida. At pagka tapos niya iligtas ang mga bida, nagpaalam na siya at nag pasalamat sa ginawang pagmamahal sa kaniya.

  Mahirap at masakit rin sa puso na yung isang bagay na halos araw araw mo nakikita ay wala na paguwi mo sa bahay. Andami rin naming pinagsamahan, dahil halos dun naman na ako talagang nasanay sa pagmamaneho. Sila  Vin man at Maita ang nagturo sa akin ng mga pangunahing istilo. Pero sa kanya pa rin ako nasanay kahit hanggang sa probinsya lamang. Sa kanya ako unang nakarinig ng mga sigaw at mga sermon. Sa kanya ako natutong magsilbi sa aking pamilya. Sa kanya ako nakatulong para mas mapalapit pa ang iba sa Diyos. At higit sa lahat sa kanya ako natuto na marami pa akong dapat pang matutunan pag dating sa pagmamaneho.

  Alam kong napabayaan ka namin, dahil may bago at mas modelong dumating, pero di ko pa rin makakalimutan ang mga oras na ginugol ko para linisin at paliguan ka. Yung init na tiniis habang kasama ka. At  lalong di ko makakalimutan ang mga alaalang kapiling ka kasama ng mga mahal ko sa buhay kasama ka.

  Sa bago mong tagapangalaga, sana alagaan ka rin nila katulad ng pagaalaga namin. Magpakabait ka ah, pakita mosa kanila ang serbisyong sa aming ay lagi mong pinadarama. 

At sa bago niyang tagapangalaga, wag nyo siyang kalilimutang bigyan ng bagong pangalan. 

Nakakalungkot man at mahirap pero kailangan, kaya sa aming van na si Felix, paalam.

Sapot!

   
 

"Andito ka, pero wala ka." Simpleng kataga, kung kanino man siya nanggaling ay di ko alam pero kung imbento ko lang ang salitang ito mas maganda. 

  Habang sinusulat ko ito nasa harap ko ang magkasintahang hindi naguusap at parehas lang nakaharap sa kanilang mga cellphone, kung ano ang ginagawa nila sa nakita ko parang kulay blue at maraming letrato. 

  Di na alintana, na nilamon na tayo ng internet. Madalas mas naniniwala pa tayo sa sinasabi sa loob ng isang website keysa sa mga bagay na aktwal. Na ang kathang isip na bagay katulad nitong sinulat ko ay mas solidong pinaniniwalaan keysa sa mga bagay na nakikita mo.

  Mahirap ng iwasto ang nakasanayan at inasahan na ng tao sa halos ilang dekada. Nakakalungkot lang isipin na halos lahat ng tao sa mundo, kasama ako, ang hindi makakakilos pag nawala ito.

  Di ko naman sinasabi na walang tulong ang internet, dahil sa internet ko rin inilalagay ang mga sinusulat ko. Ang sa akin lang ay sana, mayroon tayong wastong kaalaman kung paano siya gamitin ng tama, at ng may hustisya.

  Bilib rin naman ako sa mga taong todo ang gamit sa internet para magpakalat ng kanyang salita o gawa. Pero dumadating din sa punto na sa sobrang dami na ng kanilang nailalathala kaya ako na mismo ang sumusuko sa pagtingin o sa pagbasa ng mga ito.

   Ayaw ko na lang sigurong paulit ulit makabasa ng mga artikulong di ko alam kung totoo o hindi. Ayaw ko na lang sigurong makakita na nagpapasalamat ka sa Diyos pero ang katotohanan ay gusto mo lang maipakita sa lahat ng tao na kaya mong bumili ng bagay na wala sila. Ayaw ko na lang sigurong damdamin ang mga makaDiyos na salita pero pagdating sa gawa hipokrito pala. Ayaw ko na lang sigurong marinig ang pagwawala mo sa nangyayari sa buhay mo, at pagkagalit mo sa kung kanino pero pag kaharap mo tinatago mo kahit anino mo. At higit sa lahat ayaw ko na lang sigurong makita araw araw, oras oras, at minu minuto ang pagmumukha mo.

  Siguro nga di ako para sa internet, dahil ugali ko na pansinin ang lahat. Pero nabubuhay ako na ang lahat ay may malayang pamamahayag, napili ko lang ang internet dahil sa lawak ng nasasakupan niya. 

  Pasensya na lang sa mga tinamaan ng hinaing ko pero ito ang totoo at nakikita ko. Kung opinyon ko to sa paningin mo, magisip ka, dahil alam ko ikaw mismo sang ayon sa mga sinabi ko.

Bilang bonus: panuorin ito
https://www.youtube.com/watch?v=CauSPiYZ7_E

galing dito ang larawan

Sunday, August 21, 2016

Magkasama

   





   Tuwing magkasama tayo, di ko maiwasang titigan ka dahil dun ko nakikita na masaya ka rin na kasama ako. Dun ko nakikita ang sinasabi ng kaluluwa mo na ang gusto mo lang makasama ay ako at wala ng iba. Dun ko nakikita na wala ng mas iba pang lalamang sa kagandahan sa iyo. Dun ko nakikita ang ngiti na ayaw kong mawala, ang ngiti na nagpapaalala sa akin na ang saktan ka ay di ko dapat
 magawa.

   Tuwing magkasama tayo, wala akong gagawin kundi yakapin ka. Dahil sa pagyakap ko sa iyo ay napapadama ko ang pagmamahal ko sa iyo. Dahil sa pagyakap ko napapakita na ayaw kitang mawala na ikaw lang at wala ng iba pa. Dahil sa pagyakap ko, nas nadadama ko ang tibok ng puso mo na ang tanging isinisigaw ay ang pangalan ko.

   Tuwing magkasama tyao, wala na akong gusto pang gawin kundi ang pagsilbihan ka, pangitiin ka at mahalin ka. Wala akang ibang gagawin kundi ang maging reyna ng isang hari. Hari ng isang kahariamg ikaw ang sentro, isang kahariang ako ang lahat ay para sa iyo.

   Pag magkasama tayo mahal ko, wala na akong dapat pang gawin dahil ikaw na ang kalahatan ko at ako ang kalahatan mo. Di ka pwedeng mawala, dahil ang buhay ko ang bubuo sa kulang mo at ang kulang ko ay ikaw na ang bumuo.

    At kung sakali man na ako ay iyong iwan. Tandaan mo lamang na wala ng magmamahal sa iyo katulad ng pagmamahal ko. At ang buhay ko ay guguho pag lisan mo.

   Pag magkasama tayo mahal ko,  ikaw ay sa akin at ako ay sa iyo.


Galing dito ang larawan.

Tuesday, February 16, 2016

Ang bakanteng hawla


Bakit pag nag mamahal ako ng isang bagay, dumadating na nawawala siya sa buhay ko, na dumadating ang pagkakataon na kailangan nilang umalis. Sa dinadami-dami na rin ng mga bagay na nawala sa akin, sa mga oras na lumipas at taong nagpaalam di pa rin kaya ng puso ko na tanggapin na mawalan.

Mahal ko ang aking alagang ibon, at ang natatanging paraan lang sa tingin ko para mapakita ko na mahal ko siya ay ang pakawalan siya. Pakawalan para siya ay pumaroon sa lugar na kung saan siya nararapat, sa lugar na kung saan nandun ang mga bagay na makakapaganda ng buhay nya.

Binuksan ko ang kanyang hawla, ngunit ayaw nya  pang lumipad papalayo. Nagiikot ikot lang siya sa loob at tila ba pinagmamasdan ang pagtitig ko. At habang, papalapit siya sa lagusan papalabas, dahan dahan kumikirot ang aking puso. Ang kirot, na dala ng pagaalinlangan na sana di ko ginagawa ito.

Alam ko na hindi sapat ang kakayanan ko para mabigyan ng maayus na pamumuhay ang aking alaga, kaya pinipilit ko siyang lumipad papalayo, papunta sa isang lugar na makakasama nya ang mga kauri nya at kung saan makukuha nya ang mga gusto nya.

Gusto ko pumikit, ayaw ko ng makita kung paano lalabas ang aking ibon. Nalulungkot ako dahil alam ko na sa susunod na pagtingin ko sa kanyang hawla, ay wala na akong makikita. Isang blangkong, kulungan na saksi sa kung gaano nya ako napapasaya dati.

Sino nga ba ako, para pigilan ang aking alaga, na iunat ang kanyang mga pakpak at lumipad. Dahil sa sobrang mahal ko ang alaga kong ibon, ako pa ang magaangat sa kanya sa pinakamataas na lugar para mas malayo ang kanyang malilipad. Kahit na parang nilagyan ng tinik ang aking puso habang siya ay lumalayo.

At sa paglisan ng aking alaga, ako'y nananalangin na siya ay bumalik, bumalik na walang kasama at nagiisa. Bumalik na ang pangalan ko pa rin ang kanyang hinuhuni. At nananalangin na sana sa kanyang pagbalik, madatnan nyang ako ay isang ibon na rin at sabay kaming lilipad patungo sa kung saan kayang abutin ng aming mga pakpak.

Galing dito ang larawan

Thursday, December 31, 2015

Dalawang letra

    



   Nakakamangha lamang na sa pamamagitan ng pagpapalit ng dalawang letra ng isang salita ay nababago na ang kahulugan nito at kung ano ang nais nito na iparating sa mga babasa ng salita na gusto mong tukuyin.

   Dalawang letra lang ang kailangan para baguhin ang isang salita na punong puno ng pagasa at naguumapaw na saya, sa isang salitang nagbabadya ng kalungkutan at kawalan ng kalayaan.

   Dalawang letra lang ang kayang mangwasak ng isang pangarap na ang dalawa ay magiging isa, upang di ka na magiisa.

   Dalawang letra lang ang kailangan para maramdaman mong mali pala ang ginagawa mo, na di na pala masaya ang nagawa mo, nagagawa mo at gagawin mo.

   Dalawang letra lang ang babago sa kung ano na ang bagong estado, sa kung ano ang napagusapan at sa kung ano na ang nakasanyan.

   Dalawang letra lang ang makakapagpatago ng puso mong handa mong iaalay sa iba ng buong-buo.

   Dalawang letra lang ang makakapagiba ng kung ano ang gusto mong plano sa buhay, na alam mo na ikaw mismo ang salarin.

   Dalawang letra lang ang magpapaalala sa iyo na may hangganan lang ang lahat ng bagay. Na hindi pwedeng lumabis o magkulang.

   Dalawang letra lang kailangan para mapamukha sa iyo na maling mali ka, at sa kahit na anong oras ay pwedeng may mawala.

   Dalawang letra lang ang kayang magiba ng kung sino ka, na hindi ka na pala masaya, na hindi ka  na pala yung dating kilala nya.

   Dalawang letra lang ang makakahugot ng tanong na, gusto mo pa ba o hindi na? Totoo pa ba o hindi na? Kaya pa ba o hindi na? Hanggang sa dulo pa ba o hindi na? Sa kasal pa ba o sakal na?

   Dalawang letra lang, husgahan mo ako bahala ka na.