Monday, June 19, 2017

Felix

  


  May nagtanong sa akin dati, bakit daw namin nilalagyan ng pangalan ang mga sasakyan namin. Simple lang naman ang sagot, yun ay dahil gusto namin bigyan ng kahalagahan ang isang bagay na gagamitin namin ng madalas at matagal.

  Kung tutuusin ang isang sasakyan ay walang emosyon, walang nararamdaman, at higit sa lahat walang sariling isip. Pero kahit isa siyang bagay o kagamitan lamang, tandaan mo na ang isang sasakyan ay isang bagay na may hawak ng buhay mo habang ginagamit mo.

  Naalala ko nga yung anime na One Piece na tungkol sa pirata. Dahil sobrang minahal ng mga bida yung sinasakyan nilang barko na si Going Merry, nagkaroon ito ng sariling buhay at kahit dumating na yung point na nawala na siya sa karagatan dahil sa bagyo, dumating pa rin siya para iligtas ang mga bida. At pagka tapos niya iligtas ang mga bida, nagpaalam na siya at nag pasalamat sa ginawang pagmamahal sa kaniya.

  Mahirap at masakit rin sa puso na yung isang bagay na halos araw araw mo nakikita ay wala na paguwi mo sa bahay. Andami rin naming pinagsamahan, dahil halos dun naman na ako talagang nasanay sa pagmamaneho. Sila  Vin man at Maita ang nagturo sa akin ng mga pangunahing istilo. Pero sa kanya pa rin ako nasanay kahit hanggang sa probinsya lamang. Sa kanya ako unang nakarinig ng mga sigaw at mga sermon. Sa kanya ako natutong magsilbi sa aking pamilya. Sa kanya ako nakatulong para mas mapalapit pa ang iba sa Diyos. At higit sa lahat sa kanya ako natuto na marami pa akong dapat pang matutunan pag dating sa pagmamaneho.

  Alam kong napabayaan ka namin, dahil may bago at mas modelong dumating, pero di ko pa rin makakalimutan ang mga oras na ginugol ko para linisin at paliguan ka. Yung init na tiniis habang kasama ka. At  lalong di ko makakalimutan ang mga alaalang kapiling ka kasama ng mga mahal ko sa buhay kasama ka.

  Sa bago mong tagapangalaga, sana alagaan ka rin nila katulad ng pagaalaga namin. Magpakabait ka ah, pakita mosa kanila ang serbisyong sa aming ay lagi mong pinadarama. 

At sa bago niyang tagapangalaga, wag nyo siyang kalilimutang bigyan ng bagong pangalan. 

Nakakalungkot man at mahirap pero kailangan, kaya sa aming van na si Felix, paalam.

Sapot!

   
 

"Andito ka, pero wala ka." Simpleng kataga, kung kanino man siya nanggaling ay di ko alam pero kung imbento ko lang ang salitang ito mas maganda. 

  Habang sinusulat ko ito nasa harap ko ang magkasintahang hindi naguusap at parehas lang nakaharap sa kanilang mga cellphone, kung ano ang ginagawa nila sa nakita ko parang kulay blue at maraming letrato. 

  Di na alintana, na nilamon na tayo ng internet. Madalas mas naniniwala pa tayo sa sinasabi sa loob ng isang website keysa sa mga bagay na aktwal. Na ang kathang isip na bagay katulad nitong sinulat ko ay mas solidong pinaniniwalaan keysa sa mga bagay na nakikita mo.

  Mahirap ng iwasto ang nakasanayan at inasahan na ng tao sa halos ilang dekada. Nakakalungkot lang isipin na halos lahat ng tao sa mundo, kasama ako, ang hindi makakakilos pag nawala ito.

  Di ko naman sinasabi na walang tulong ang internet, dahil sa internet ko rin inilalagay ang mga sinusulat ko. Ang sa akin lang ay sana, mayroon tayong wastong kaalaman kung paano siya gamitin ng tama, at ng may hustisya.

  Bilib rin naman ako sa mga taong todo ang gamit sa internet para magpakalat ng kanyang salita o gawa. Pero dumadating din sa punto na sa sobrang dami na ng kanilang nailalathala kaya ako na mismo ang sumusuko sa pagtingin o sa pagbasa ng mga ito.

   Ayaw ko na lang sigurong paulit ulit makabasa ng mga artikulong di ko alam kung totoo o hindi. Ayaw ko na lang sigurong makakita na nagpapasalamat ka sa Diyos pero ang katotohanan ay gusto mo lang maipakita sa lahat ng tao na kaya mong bumili ng bagay na wala sila. Ayaw ko na lang sigurong damdamin ang mga makaDiyos na salita pero pagdating sa gawa hipokrito pala. Ayaw ko na lang sigurong marinig ang pagwawala mo sa nangyayari sa buhay mo, at pagkagalit mo sa kung kanino pero pag kaharap mo tinatago mo kahit anino mo. At higit sa lahat ayaw ko na lang sigurong makita araw araw, oras oras, at minu minuto ang pagmumukha mo.

  Siguro nga di ako para sa internet, dahil ugali ko na pansinin ang lahat. Pero nabubuhay ako na ang lahat ay may malayang pamamahayag, napili ko lang ang internet dahil sa lawak ng nasasakupan niya. 

  Pasensya na lang sa mga tinamaan ng hinaing ko pero ito ang totoo at nakikita ko. Kung opinyon ko to sa paningin mo, magisip ka, dahil alam ko ikaw mismo sang ayon sa mga sinabi ko.

Bilang bonus: panuorin ito
https://www.youtube.com/watch?v=CauSPiYZ7_E

galing dito ang larawan