Monday, August 26, 2024

FootKnowledge



Hindi ako karapat dapat sa inyo

Hindi ako kasing lakas ng inaakala ninyo

Suko na ako. Suko na. Ayaw ko nang mabuhay pagod na ako.


Pagod na ako. 

Pagod na pagod na ako. Paano ako magpoprovide kung pagod na ako.

Paano makahanap ng mas maayos na career kung pagod na ako.

Paano makahanap ng Mas malaking sweldo kung pagod na ako.

Paano maging mas malaya sa gastusin kung pagod na ako.



Inaaliw ko na lang ang problema ko sa pamamagitan ng paglilibang.

Nililibang ko na lang ang sarili ko.

Sa pagdadasal nalilibang ako.

Sa paglalaro sa kompyuter nalilibang ako.

Sa pag lalaro ng cards lalo na sa pagsosort nito nalilibang ako.

Samahan ninyo naman ako, samahan ninyo ako sa paglilibang.


Gusto ko pa lumaban hanggat kaya ko.

Lalaban ako para sa asawa ko.

Lalaban ako para sa mga anak ko.

Gusto ko pa.

Gusto ko pa.

Gusto ko pa lumaban.

Pero pahingi ng tulong. Kaunting tulong.

Kaunting liwanag.

Kaunti lang

Kaunti.



Galing dito ang larawan

Friday, April 8, 2022

Eyrpleyn

    



Kahit ilang beses na akong nakasakay sa isang eroplano, di ko pa rin maiwasang mamangha sa taglay na kagalingan nito. Bilib rin naman ako sa mga nakaisip kung paano ito lilipad. At dahil sa eroplano ay mararating mo na ang iba't ibang lugar sa maiksing panahon lamang.


Pero ano nga ba ang karga ng isang eroplano? 


Karga ba nito ang tao na may gusto lamang puntahan na isang lugar na hindi niya pa napupuntahan? Isang taong gustong makita ang kagandahang tanglay ng mga pook na sa palabas niya lamang unang nakita. 


Karga ba nito ang tao na may kailangan gawin sa lugar na iyon alang-alang sa trabaho? Isang tao na itinalaga ng kumpanya para gawin ang nararapat niya tungkulin para sa kanila. 


Karga ba nito ang tao na may pangarap? Isang tao na kinailangan umalis para sa mas magandang buhay sa ibang bansa, dahil sa bansa niya ay wala na siyang pag-asa. 


Karga ba nito ang tao na gusto ng makita ang kanyang mga minamahal? Isang tao na nalayo dahil sa tawag ng responsibilidad upang mabuhay ang kanyang mga mahal sa buhay. 


Kung iisipin mo, ang simple lang. 

Pero mas malalim ang sinisimbolo ng isang eroplano. 


Dahil karga nito ang galak sa puso ng isang taong gustong mamangha. 


Dahil karga nito ang pagod ng  isang taong gusto lamang magawa ang kanyang tungkulin. 


Dahil karga nito ang kaba ng isang taong gustong sumubok na kung ano pa ang kakayanan niya. 


Dahil karga nito ang pangarap ng isang taong gusto pang mas bumuti ang kalagayan ng mga mahal niya sa buhay. 


Dahil karga nito ang mga luha at pighati ng isang taong nawawalay sa kanyang pamilya o sa mga malalapit sa kanya. 


Ambigat nga pala ng eroplano no? Ang galing lang talaga kung bakit siya nakakalipad. 


Galing Dito ang larawan

Wednesday, December 15, 2021

City Hall

 




Hassle ano? Pag naglakad ka ng mga papeles. Pag pumila ka para sa mga kailangan mong mga bagay para makumpleto ang dapat makumpleto.


Pero mas mahalaga ang mga pakiramdam at mga ala-ala sa loob ng iilang taong pagsasama. Maiksi pa lang naman kung tutuusin pero para sa aking damdamin ay madami ng nakaraang masarap sariwain.


Parang nasa isang perya kung ako ay tatanungin. Minsan nasa taas, minsan nasa baba. Minsan nasa kanan, minsan nasa kaliwa. Minsan nakakalula, madalas nakakatuwa. Minsan may iyak, madalas may ngiti sa mukha.


Parang gremlins na nga, kaunting dilig nadagdagan pa ng isa. Ang isa na mas nagbigay pa ng saya.  May hirap sa nadagdag pero mas marami ang sarap. Mas nakumpleto ang dati ay buo na. Mas natuto ang dating may alam na.


Parang telenobela ika nga nila. Pero hindi pa kasinghaba ng valiente o mara clara. Wala pa sa gitna kung ikukumpara sa iba. Pero sigurado ako na tuloy tuloy pa walang sawa. At ang pagmamahalan sigurado ako hinding hindi magsasawa.


Parang loko pero ito ay pagmamahalang tunay at totoo. Tingin ko panghabang buhay walang goyo. Basta ang ang totoo ang taon namin ay pito. At Para sa iyo ito mahal ko.

Sunday, March 21, 2021

Elemenopi

 

   Sa gitna ng arawan mapapansin mo ang init ng sinag ng araw. Ang sinag na dumadampi sa bawat nilalang na andito sa daigdig. Ang sinag na nagbibigay buhay sa isang umaga na tumapos ng dilim. Ang sinag na magbibigay ng panimula sa panibagong yugto ng gawaing pangaraw-araw.


Mahigit ilang buwan o taon na ng huli akong sumulat. Marami namang pagkakataon na dapat mayroon akong nailathala, kaso mas pinili ko na lang itago sa aking pakiramdam at kaisipan ang aking nararamdaman. 


Marami naman inspirasyon o aral na makukuha sa paligid kung tutuusin. Pero sadyang mas inuna ko na lang siguro ang mga bagay na sa tingin ko ay mas importante.


Matagal rin kasi akong nawawala sa isang araw, kaya pag uwi inaatupag ko na lang kung ano ang mas importante. Kasama na doon ang pagpapahinga at kaunting pagaaruga sa mga taong mahalaga.


Minsan naisip ko kung nasa akin pa rin ba ang pagsusulat, O baka wala na rin talaga. Pero sa panahon ngayon parang mayroon pa, at sa pamamagitan nito tyaka ako naniwala.


Matumal ang trabaho sa mga oras na ito. Siguro sumakto lang na nasa ganito akong estado. Mahirap lang dahil malungkot pero, pero kahit papaano nagkaroon ako ng taimtim na oras para sa sarili ko.


Mabilis man ang ikot ng mundo, pero tiyak ko ngayon medyo bumagal ito. Marami nang oras para sa mga katulad nito, kaso pagkalipas ng ilang linggo balik na naman sa mundong magulo. Kailangan eh, para sa mga taong mahalaga sa buhay ko.


Mahalagang malaman ninyo na may saysay pa rin ang pagsusulat kong ito. Kasing halaga ng mga taong natutuwa o nagagalak sa mga nilalaman ng gawa ko.


Matagal na siguro ulit ang susunod. Pero mukhang malupit ang mga kabanatang dapat abangan. Dala lang siguro ng lungkot kaya ako gumawa ng isang paksa. Paksa na wala naman talagang laman kundi ang paghahalo lang ng kaalaman.


Magtatapos sa isang paalala, na ang bawat letra dito sa aking sulat ay nagmula sa ulirat ng taong di pa makalapat sa panahon ngayon ay nararapat.


Tuesday, July 23, 2019

Sugal




Matagal na ng ako ay huling sumulat sa blog na ito, pero nagkagana lang ng mapanood ko ang MTV ng isang bandang may dalawang tao na magkatunog ang pangalan. Simple lang naman ang tema nung pinanood ko, tungkol sa mga damdaming di nailabas at mga damdaming naramdaman man pero hindi naisiwalat.



Madalas kasi ang bawat isa eh takot sumugal, takot mapahiya, takot lumaban, at higit sa lahat takot masaktan. Kung sabagay, mahirap naman talaga dahil masakit ang maramdaman mo lahat yan sa isang bagsakan.



Madalas naman na nasa pareho kayong direksyon ng inyong nararamdaman sa isa't isa.  Pero nagiging kampante na lang kayo sa puntong hanggang magkaibigan na lang ang turingan ninyo at nakakalimutan na mas higit pa doon ang tunay na lukso ng mga puso ninyo.



Madalas na akala ng isa na wala naman talaga siyang pag-asa sa kanya. Na susubukan niya na lang humanap ng iba. pero bandang huli akala lang pala, kaya ayun nakahanap na pala  ng iba.



Madalas din na sinusubukan muna ang pagkakaibigan, kaso paano kung hanggang doon lang pala ang kayang ibigay ng kabila. Paano kung naghihintay lang pala yung isa na malaman niya rin na may lihim ka na pagtingin sa kanya? Paano pala kung huli na?



Madalas iniisip natin ang pagtingin sa atin ng madla. Mas mahalaga pa kung ano ang mga sasabihin nila imbes na gawin natin ang gusto nating gawin o ang gusto nating mangyari. Ang siste lumalabas lang na nagpapadikta tayo sa kanila.

Isa lang ang masasabi ko, ang pagibig parang sugal. Kapag hindi ka pumusta at lumaban kahit ano pang mangyari talo ka.

galing dito ang larawan
panuorin ang pagtingin by ben&ben

Thursday, May 16, 2019

Kilala

   

Image result for friendship




   Dama niya, ang sarap ng haplos ng hangin habang nakikinig ng musikang nagagawa ng mga daliring pumipindot sa isang luma pero makabuluhang intrumento.

   Di mawari ni Robert na pagkatapos ng lahat ng nangyari sa buhay niya, mauuwi lang siyang magisa sa isang kwartong nakikisama sa lungkot niya.

   Dumaan ang mga panahon ng sarap, dumaan ang mga panahon ng hirap, ngunit sa bandang huli, tila ba'y hinarap nya lang ang lahat ng nagiisa at walang kasama.

   Dapat ba na mas nagtalaga siya ng kanyang mga kasama, o kahit man lamang ng isang matalik na kaibigan? O sadyang palamuti lamang sa buhay nya ang mga ito.

   Dumaan ang libo libong tao sa buhay niya pero ni isa, wala man lamang tumuring sa kanya bilang isang perlas na dapat pangalagaan, itago, at ingatan.

   Dapat ba na di siya nakisama sa lahat ng tao sa paligid niya at kumupkop na lang ng isang tao na papahalagahan siya. Na kahit di pagsisinta basta isang samahang di mauuwi sa wala.

   Dala ng kanyang pighati na sa kanyang pagiisa, ay wala pala talaga siya naging kaibigan, kundi mga kakilala at nakasama lamang.


galing dito ang larawan

YAMANG!


Image result for boastful



Ang pera nauubos pero ang yabang hindi.

Naniniwala ako sa katagang iyan, dahil alam ko naman na di ako mayaman, pero pagdating sa yabang tiyak ko lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na pag tama ako at may pruweba ako, tama ako. Minsan sablay lang kasi mas tama sila kaya lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na kahit anong gawin ko, basta sumablay ako mali ako. Normal naman yun sa lahat ng tao. Pero minsan lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na mananatili akong palpak sa paningin nila. At kahit anong patunay na nahigitan ko na ang lahat ng mga dapat kong higitan ano man gawin ko ay kapalpakan. At pag may oras na kumontra ako, lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na kahit nagkakamali ang mga nauna sa akin. At kahit anong pilit nila dati walang kumokontra. Ako pag kumontra ako magagalit sila kasi nga lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na madalas nakakalimutan ko ang rumespeto pero di naman nawawala yun kaya nandun pa rin naman ang respeto ko gusto ko lang rin ng respeto sa ginagawa ko pero di pwede dahil lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako na tatanda rin ako kagaya nila pero dumaan rin sila sa kalagayan ko. Sana alam rin nila kung paano rin ang naramdaman nila noon dahil iniintindi ko rin naman ang kalagayan nila ngayon. Pero hindi  pwede yun dahil lumalabas mayabang ako.

Naniniwala ako mayabang ako at yun ang totoo.  Pero isipin nyo rin kung ano nga ba ang  pinagyayabang ko. Dahil kahit anong gawin ko lumalabas mayabang ako.

galing dito ang larawan.