Friday, April 8, 2022

Eyrpleyn

    



Kahit ilang beses na akong nakasakay sa isang eroplano, di ko pa rin maiwasang mamangha sa taglay na kagalingan nito. Bilib rin naman ako sa mga nakaisip kung paano ito lilipad. At dahil sa eroplano ay mararating mo na ang iba't ibang lugar sa maiksing panahon lamang.


Pero ano nga ba ang karga ng isang eroplano? 


Karga ba nito ang tao na may gusto lamang puntahan na isang lugar na hindi niya pa napupuntahan? Isang taong gustong makita ang kagandahang tanglay ng mga pook na sa palabas niya lamang unang nakita. 


Karga ba nito ang tao na may kailangan gawin sa lugar na iyon alang-alang sa trabaho? Isang tao na itinalaga ng kumpanya para gawin ang nararapat niya tungkulin para sa kanila. 


Karga ba nito ang tao na may pangarap? Isang tao na kinailangan umalis para sa mas magandang buhay sa ibang bansa, dahil sa bansa niya ay wala na siyang pag-asa. 


Karga ba nito ang tao na gusto ng makita ang kanyang mga minamahal? Isang tao na nalayo dahil sa tawag ng responsibilidad upang mabuhay ang kanyang mga mahal sa buhay. 


Kung iisipin mo, ang simple lang. 

Pero mas malalim ang sinisimbolo ng isang eroplano. 


Dahil karga nito ang galak sa puso ng isang taong gustong mamangha. 


Dahil karga nito ang pagod ng  isang taong gusto lamang magawa ang kanyang tungkulin. 


Dahil karga nito ang kaba ng isang taong gustong sumubok na kung ano pa ang kakayanan niya. 


Dahil karga nito ang pangarap ng isang taong gusto pang mas bumuti ang kalagayan ng mga mahal niya sa buhay. 


Dahil karga nito ang mga luha at pighati ng isang taong nawawalay sa kanyang pamilya o sa mga malalapit sa kanya. 


Ambigat nga pala ng eroplano no? Ang galing lang talaga kung bakit siya nakakalipad. 


Galing Dito ang larawan