Wednesday, December 15, 2021

City Hall

 




Hassle ano? Pag naglakad ka ng mga papeles. Pag pumila ka para sa mga kailangan mong mga bagay para makumpleto ang dapat makumpleto.


Pero mas mahalaga ang mga pakiramdam at mga ala-ala sa loob ng iilang taong pagsasama. Maiksi pa lang naman kung tutuusin pero para sa aking damdamin ay madami ng nakaraang masarap sariwain.


Parang nasa isang perya kung ako ay tatanungin. Minsan nasa taas, minsan nasa baba. Minsan nasa kanan, minsan nasa kaliwa. Minsan nakakalula, madalas nakakatuwa. Minsan may iyak, madalas may ngiti sa mukha.


Parang gremlins na nga, kaunting dilig nadagdagan pa ng isa. Ang isa na mas nagbigay pa ng saya.  May hirap sa nadagdag pero mas marami ang sarap. Mas nakumpleto ang dati ay buo na. Mas natuto ang dating may alam na.


Parang telenobela ika nga nila. Pero hindi pa kasinghaba ng valiente o mara clara. Wala pa sa gitna kung ikukumpara sa iba. Pero sigurado ako na tuloy tuloy pa walang sawa. At ang pagmamahalan sigurado ako hinding hindi magsasawa.


Parang loko pero ito ay pagmamahalang tunay at totoo. Tingin ko panghabang buhay walang goyo. Basta ang ang totoo ang taon namin ay pito. At Para sa iyo ito mahal ko.

Sunday, March 21, 2021

Elemenopi

 

   Sa gitna ng arawan mapapansin mo ang init ng sinag ng araw. Ang sinag na dumadampi sa bawat nilalang na andito sa daigdig. Ang sinag na nagbibigay buhay sa isang umaga na tumapos ng dilim. Ang sinag na magbibigay ng panimula sa panibagong yugto ng gawaing pangaraw-araw.


Mahigit ilang buwan o taon na ng huli akong sumulat. Marami namang pagkakataon na dapat mayroon akong nailathala, kaso mas pinili ko na lang itago sa aking pakiramdam at kaisipan ang aking nararamdaman. 


Marami naman inspirasyon o aral na makukuha sa paligid kung tutuusin. Pero sadyang mas inuna ko na lang siguro ang mga bagay na sa tingin ko ay mas importante.


Matagal rin kasi akong nawawala sa isang araw, kaya pag uwi inaatupag ko na lang kung ano ang mas importante. Kasama na doon ang pagpapahinga at kaunting pagaaruga sa mga taong mahalaga.


Minsan naisip ko kung nasa akin pa rin ba ang pagsusulat, O baka wala na rin talaga. Pero sa panahon ngayon parang mayroon pa, at sa pamamagitan nito tyaka ako naniwala.


Matumal ang trabaho sa mga oras na ito. Siguro sumakto lang na nasa ganito akong estado. Mahirap lang dahil malungkot pero, pero kahit papaano nagkaroon ako ng taimtim na oras para sa sarili ko.


Mabilis man ang ikot ng mundo, pero tiyak ko ngayon medyo bumagal ito. Marami nang oras para sa mga katulad nito, kaso pagkalipas ng ilang linggo balik na naman sa mundong magulo. Kailangan eh, para sa mga taong mahalaga sa buhay ko.


Mahalagang malaman ninyo na may saysay pa rin ang pagsusulat kong ito. Kasing halaga ng mga taong natutuwa o nagagalak sa mga nilalaman ng gawa ko.


Matagal na siguro ulit ang susunod. Pero mukhang malupit ang mga kabanatang dapat abangan. Dala lang siguro ng lungkot kaya ako gumawa ng isang paksa. Paksa na wala naman talagang laman kundi ang paghahalo lang ng kaalaman.


Magtatapos sa isang paalala, na ang bawat letra dito sa aking sulat ay nagmula sa ulirat ng taong di pa makalapat sa panahon ngayon ay nararapat.