May nagtanong sa akin dati, bakit daw namin nilalagyan ng pangalan ang mga sasakyan namin. Simple lang naman ang sagot, yun ay dahil gusto namin bigyan ng kahalagahan ang isang bagay na gagamitin namin ng madalas at matagal.
Kung tutuusin ang isang sasakyan ay walang emosyon, walang nararamdaman, at higit sa lahat walang sariling isip. Pero kahit isa siyang bagay o kagamitan lamang, tandaan mo na ang isang sasakyan ay isang bagay na may hawak ng buhay mo habang ginagamit mo.
Naalala ko nga yung anime na One Piece na tungkol sa pirata. Dahil sobrang minahal ng mga bida yung sinasakyan nilang barko na si Going Merry, nagkaroon ito ng sariling buhay at kahit dumating na yung point na nawala na siya sa karagatan dahil sa bagyo, dumating pa rin siya para iligtas ang mga bida. At pagka tapos niya iligtas ang mga bida, nagpaalam na siya at nag pasalamat sa ginawang pagmamahal sa kaniya.
Mahirap at masakit rin sa puso na yung isang bagay na halos araw araw mo nakikita ay wala na paguwi mo sa bahay. Andami rin naming pinagsamahan, dahil halos dun naman na ako talagang nasanay sa pagmamaneho. Sila Vin man at Maita ang nagturo sa akin ng mga pangunahing istilo. Pero sa kanya pa rin ako nasanay kahit hanggang sa probinsya lamang. Sa kanya ako unang nakarinig ng mga sigaw at mga sermon. Sa kanya ako natutong magsilbi sa aking pamilya. Sa kanya ako nakatulong para mas mapalapit pa ang iba sa Diyos. At higit sa lahat sa kanya ako natuto na marami pa akong dapat pang matutunan pag dating sa pagmamaneho.
Alam kong napabayaan ka namin, dahil may bago at mas modelong dumating, pero di ko pa rin makakalimutan ang mga oras na ginugol ko para linisin at paliguan ka. Yung init na tiniis habang kasama ka. At lalong di ko makakalimutan ang mga alaalang kapiling ka kasama ng mga mahal ko sa buhay kasama ka.
Sa bago mong tagapangalaga, sana alagaan ka rin nila katulad ng pagaalaga namin. Magpakabait ka ah, pakita mosa kanila ang serbisyong sa aming ay lagi mong pinadarama.
At sa bago niyang tagapangalaga, wag nyo siyang kalilimutang bigyan ng bagong pangalan.
Nakakalungkot man at mahirap pero kailangan, kaya sa aming van na si Felix, paalam.