Tuesday, February 16, 2016

Ang bakanteng hawla


Bakit pag nag mamahal ako ng isang bagay, dumadating na nawawala siya sa buhay ko, na dumadating ang pagkakataon na kailangan nilang umalis. Sa dinadami-dami na rin ng mga bagay na nawala sa akin, sa mga oras na lumipas at taong nagpaalam di pa rin kaya ng puso ko na tanggapin na mawalan.

Mahal ko ang aking alagang ibon, at ang natatanging paraan lang sa tingin ko para mapakita ko na mahal ko siya ay ang pakawalan siya. Pakawalan para siya ay pumaroon sa lugar na kung saan siya nararapat, sa lugar na kung saan nandun ang mga bagay na makakapaganda ng buhay nya.

Binuksan ko ang kanyang hawla, ngunit ayaw nya  pang lumipad papalayo. Nagiikot ikot lang siya sa loob at tila ba pinagmamasdan ang pagtitig ko. At habang, papalapit siya sa lagusan papalabas, dahan dahan kumikirot ang aking puso. Ang kirot, na dala ng pagaalinlangan na sana di ko ginagawa ito.

Alam ko na hindi sapat ang kakayanan ko para mabigyan ng maayus na pamumuhay ang aking alaga, kaya pinipilit ko siyang lumipad papalayo, papunta sa isang lugar na makakasama nya ang mga kauri nya at kung saan makukuha nya ang mga gusto nya.

Gusto ko pumikit, ayaw ko ng makita kung paano lalabas ang aking ibon. Nalulungkot ako dahil alam ko na sa susunod na pagtingin ko sa kanyang hawla, ay wala na akong makikita. Isang blangkong, kulungan na saksi sa kung gaano nya ako napapasaya dati.

Sino nga ba ako, para pigilan ang aking alaga, na iunat ang kanyang mga pakpak at lumipad. Dahil sa sobrang mahal ko ang alaga kong ibon, ako pa ang magaangat sa kanya sa pinakamataas na lugar para mas malayo ang kanyang malilipad. Kahit na parang nilagyan ng tinik ang aking puso habang siya ay lumalayo.

At sa paglisan ng aking alaga, ako'y nananalangin na siya ay bumalik, bumalik na walang kasama at nagiisa. Bumalik na ang pangalan ko pa rin ang kanyang hinuhuni. At nananalangin na sana sa kanyang pagbalik, madatnan nyang ako ay isang ibon na rin at sabay kaming lilipad patungo sa kung saan kayang abutin ng aming mga pakpak.

Galing dito ang larawan