Thursday, December 31, 2015

Dalawang letra

    



   Nakakamangha lamang na sa pamamagitan ng pagpapalit ng dalawang letra ng isang salita ay nababago na ang kahulugan nito at kung ano ang nais nito na iparating sa mga babasa ng salita na gusto mong tukuyin.

   Dalawang letra lang ang kailangan para baguhin ang isang salita na punong puno ng pagasa at naguumapaw na saya, sa isang salitang nagbabadya ng kalungkutan at kawalan ng kalayaan.

   Dalawang letra lang ang kayang mangwasak ng isang pangarap na ang dalawa ay magiging isa, upang di ka na magiisa.

   Dalawang letra lang ang kailangan para maramdaman mong mali pala ang ginagawa mo, na di na pala masaya ang nagawa mo, nagagawa mo at gagawin mo.

   Dalawang letra lang ang babago sa kung ano na ang bagong estado, sa kung ano ang napagusapan at sa kung ano na ang nakasanyan.

   Dalawang letra lang ang makakapagpatago ng puso mong handa mong iaalay sa iba ng buong-buo.

   Dalawang letra lang ang makakapagiba ng kung ano ang gusto mong plano sa buhay, na alam mo na ikaw mismo ang salarin.

   Dalawang letra lang ang magpapaalala sa iyo na may hangganan lang ang lahat ng bagay. Na hindi pwedeng lumabis o magkulang.

   Dalawang letra lang kailangan para mapamukha sa iyo na maling mali ka, at sa kahit na anong oras ay pwedeng may mawala.

   Dalawang letra lang ang kayang magiba ng kung sino ka, na hindi ka na pala masaya, na hindi ka  na pala yung dating kilala nya.

   Dalawang letra lang ang makakahugot ng tanong na, gusto mo pa ba o hindi na? Totoo pa ba o hindi na? Kaya pa ba o hindi na? Hanggang sa dulo pa ba o hindi na? Sa kasal pa ba o sakal na?

   Dalawang letra lang, husgahan mo ako bahala ka na.