Sabi nga nila walang forever, dahil sa panahon ngayun adobo na lang ang nagtatagal, tanghali na lang ang tapat, at mga bilihin na lang ang nagmamahal. Dati muntikan na akong maniwala sa ganyang sabi sabi dahil, akala ko magiging single na ako pang habangbuhay. Akala ko na sa lahat ng mga kaibigan ko ako ang mananatiling third wheel at taga picture sa kanila, sa kanila na may kaniya kaniya na ring mga relasyon. Mali pala, dahil nakita ko na ang isang tao na nagpakita at nagparanas sa akin ng isang samahang alam ko na hihigit pa sa inaakala ko. At samahang tatagal ng pang habang buhay.
Araw-araw ko na inaasam ang makita siya, para bang di kumpleto ang araw ko pag di ko siya nakikita o nakakausap man lamang. Nalulungkot ako pag di ko nararamdaman ang ni isang piraso ng pisikal nyang kaanyuan. Mula sa kanyang mga mensahe sa cellphone hanggang sa mga letratong pinapadala niya gamit ang teknolohiya. Pag di ako nakatanggap ng kahit alin sa mga iyon, naku sigurado di maganda araw ko. Pero kadalasan wala rin akong magawa dahil yun ang katotohanan at realidad na dapat kong tanggapin.
Realidad, isang bagay na mahirap lunukin sa kadahilanang, eto ang tunay na nangyayari at malayong malayo siya sa mga tumatakbo lang sa isip ko. Isa rin sa mga numeru unong dahilan and realidad kung bakit may mga oras na talagang halos di kami nagkakasama, nagkikita o nagkakaramdaman man lang. Trabaho nga naman, kailangan kumita, kailangan ng panggastos sa mga paggagala at higit sa lahat kailangan din magipon kasi merun pa kaming tinatawag na ika nga nila eh forever. Korni pero yun ang totoo at gagawin ko lahat para siya na hanggang sa dulo. At kahit kami ay magkaiba ng pananaw sa buhay ok lang dahil ano ba kami dati? Estranghero sa bawat isa, pero sa huli magiging magkakilala at iisa.
Estranghero nga kaming matuturimg kung tutuusin dahil di naman kami talaga magkakilala nung una, ni hindi nga magkalapit ang bahay namin o lugar na pinagtatrabahuan namin. Sadyang dumating lang ang tamang oras at tamang pagkakataon kaya ko siya nakilala. Di ko na rin pinalagpas, kasi ano pa bang hahanapin ko eh nasa kanya na lahat lahat ng hinahanap ko. Isa lang ang sigurado ko, na sana nakilala ko siya ng mas maaga. Dahil sana mas marami na akong pangarap na nabuo kasama siya, maraming lugar na napuntahan kasama siya, at mas maraming maliligayang sandali na kasama siya. Pero minsan di rin maiwasang dumapo sa isip ko kung ganun rin kaya ang nasa isip nya, o ganun din kaya ang nararamdaman niya.
Napapaisip lang ako, ano pa ang kaya kong gawin at ibigay sa kanya? Syempre para sa isa sa pinaka espesyal na tao sa buhay ko, handa kong ibigay ang lahat. Dahil alam ko na simula noong dumating siya sa buhay ko binigay niya na ang lahat sa akin. Ano pa bang hihilingin ko? Siya ay biyaya ng Diyos at wala na akong gagawin pa kundi ang alagaan at mahalin siya hanggang dulo. Kaya tinapos ko na ang paghahanap at sigurado akong di ko kakayaning mawala siya sa buhay ko. Kahit alam kong sablay ako at marami ring beses ko siyang nasasaktan, sa huli gagawa ako ng paraan na mas naramdaman niya ang aming pagmamahalan.
Kaya nga sa nagsasabi ng walang forever o habang buhay, malamang totoo nga para sa inyo yun o totoo para sa akin. Pero di kahulugan yun na di siya ang kasama ko hanggang dulo ng sinasabi nyo na habang buhay. Dahil alam ko sa huli, at sa lahat ng landas na tatahakin namin, ay magkasama kami hanggang dulo. Kasama ko siya, at kasama niya ako.
Galing dito ang picture