Thursday, December 31, 2015

Dalawang letra

    



   Nakakamangha lamang na sa pamamagitan ng pagpapalit ng dalawang letra ng isang salita ay nababago na ang kahulugan nito at kung ano ang nais nito na iparating sa mga babasa ng salita na gusto mong tukuyin.

   Dalawang letra lang ang kailangan para baguhin ang isang salita na punong puno ng pagasa at naguumapaw na saya, sa isang salitang nagbabadya ng kalungkutan at kawalan ng kalayaan.

   Dalawang letra lang ang kayang mangwasak ng isang pangarap na ang dalawa ay magiging isa, upang di ka na magiisa.

   Dalawang letra lang ang kailangan para maramdaman mong mali pala ang ginagawa mo, na di na pala masaya ang nagawa mo, nagagawa mo at gagawin mo.

   Dalawang letra lang ang babago sa kung ano na ang bagong estado, sa kung ano ang napagusapan at sa kung ano na ang nakasanyan.

   Dalawang letra lang ang makakapagpatago ng puso mong handa mong iaalay sa iba ng buong-buo.

   Dalawang letra lang ang makakapagiba ng kung ano ang gusto mong plano sa buhay, na alam mo na ikaw mismo ang salarin.

   Dalawang letra lang ang magpapaalala sa iyo na may hangganan lang ang lahat ng bagay. Na hindi pwedeng lumabis o magkulang.

   Dalawang letra lang kailangan para mapamukha sa iyo na maling mali ka, at sa kahit na anong oras ay pwedeng may mawala.

   Dalawang letra lang ang kayang magiba ng kung sino ka, na hindi ka na pala masaya, na hindi ka  na pala yung dating kilala nya.

   Dalawang letra lang ang makakahugot ng tanong na, gusto mo pa ba o hindi na? Totoo pa ba o hindi na? Kaya pa ba o hindi na? Hanggang sa dulo pa ba o hindi na? Sa kasal pa ba o sakal na?

   Dalawang letra lang, husgahan mo ako bahala ka na.

Friday, August 14, 2015

Sa Lahat ng mga Landas

   


   Sabi nga nila walang forever, dahil sa panahon ngayun adobo na lang ang nagtatagal, tanghali na lang ang tapat, at mga bilihin na lang ang nagmamahal. Dati muntikan na akong maniwala sa ganyang sabi sabi dahil, akala ko magiging single na ako pang habangbuhay. Akala ko na sa lahat ng mga kaibigan ko ako ang mananatiling third wheel at taga picture sa kanila, sa kanila na may kaniya kaniya na ring mga relasyon. Mali pala, dahil nakita ko na ang isang tao na nagpakita at nagparanas sa akin ng isang samahang alam ko na hihigit pa sa inaakala ko. At samahang tatagal ng pang habang buhay.

   Araw-araw ko na inaasam ang makita siya, para bang di kumpleto ang araw ko pag di ko siya nakikita o nakakausap man lamang. Nalulungkot ako pag di ko nararamdaman ang ni isang piraso ng pisikal nyang kaanyuan. Mula sa kanyang mga mensahe sa cellphone hanggang sa mga letratong pinapadala niya gamit ang teknolohiya. Pag di ako nakatanggap ng kahit alin sa mga iyon, naku sigurado di maganda araw ko. Pero kadalasan wala rin akong magawa dahil yun ang katotohanan at realidad na dapat kong tanggapin.


   Realidad, isang bagay na mahirap lunukin sa kadahilanang, eto ang tunay na nangyayari at malayong malayo siya sa mga tumatakbo lang sa isip ko. Isa rin sa mga numeru unong dahilan and realidad kung bakit may mga oras na talagang halos di kami nagkakasama, nagkikita o nagkakaramdaman man lang. Trabaho nga naman, kailangan kumita, kailangan ng panggastos sa mga paggagala at higit sa lahat kailangan din magipon kasi merun pa kaming tinatawag na ika nga nila eh forever. Korni pero yun ang totoo at gagawin ko lahat para siya na hanggang sa dulo. At kahit kami ay magkaiba ng pananaw sa buhay ok lang dahil ano ba kami dati? Estranghero sa bawat isa, pero sa huli magiging magkakilala at iisa.

   Estranghero nga kaming matuturimg kung tutuusin dahil di naman kami talaga magkakilala nung una, ni hindi nga magkalapit ang bahay namin o lugar na pinagtatrabahuan namin. Sadyang dumating lang ang tamang oras at tamang pagkakataon kaya ko siya nakilala. Di ko na rin pinalagpas, kasi ano pa bang hahanapin ko eh nasa kanya na lahat lahat ng hinahanap ko. Isa lang ang sigurado ko, na sana nakilala ko siya ng mas maaga. Dahil sana mas marami na akong pangarap na nabuo kasama siya, maraming lugar na napuntahan kasama siya, at mas maraming maliligayang sandali na kasama siya. Pero minsan di rin maiwasang dumapo sa isip ko kung ganun rin kaya ang nasa isip nya, o ganun din kaya  ang nararamdaman niya.

   Napapaisip lang ako,  ano pa ang kaya kong gawin at ibigay sa kanya? Syempre para sa isa sa pinaka espesyal na tao sa buhay ko, handa kong ibigay ang lahat. Dahil alam ko na simula noong dumating siya sa buhay ko binigay niya na ang lahat sa akin. Ano pa bang hihilingin ko? Siya ay biyaya ng Diyos at wala na akong gagawin pa kundi ang alagaan at mahalin siya hanggang dulo. Kaya tinapos ko na ang paghahanap at sigurado akong di ko kakayaning mawala siya sa buhay ko. Kahit alam kong sablay ako at marami ring beses ko siyang nasasaktan, sa huli gagawa ako ng paraan na mas naramdaman niya ang aming pagmamahalan.

   Kaya nga sa nagsasabi ng walang forever o habang buhay, malamang totoo nga para sa inyo yun o totoo para sa akin. Pero di kahulugan yun na di siya ang kasama ko hanggang dulo ng sinasabi nyo na habang buhay. Dahil alam ko sa huli, at sa lahat ng landas na tatahakin namin, ay magkasama kami hanggang dulo. Kasama ko siya, at kasama niya ako.

Galing dito ang picture

Friday, March 20, 2015

Saan na nga?

   


   Sana nung sinabi mo na ok na tayo, bukal sa kalooban mo para di ako umasa na magiging maganda ang kalagayan natin paggising ko.

   Sana di mo na muna ako pinakitaan ng onting tamis sa ating paguusap para di ako naghangad na ok na ang lahat at nahimasmasan ka na.

   Sana pag nagtatampo, naiinis o nagagalit ka sa akin, sabihin mo ang dahilan para alam ko kung san ako nagkamali. 

   Sana pag nagkakamali ako alamin mo ang rason kung ano at bakit, at sana makinig ka kahit papaano.

   Sana mapatawad mo ang pagkakamali ko at matanggap pa rin ako.

   Sana mas napapansin mo ang pagmamahal na pinapakita at binibigay ko sa iyo, keysa sa mga malulupit na sablay ko.

   Sana minamahal mo pa rin ako, kapara ng pagmamahal na natatanggap ko noon.

Sana lang mahal, "SANA".

Saturday, March 14, 2015

Damuhan sa gitna ng araw

   

   Isa akong manlalakbay sa isang lugar na di ako pamilyar, sa isang lugar na ni minsan ay di ko inaasahang mapuntahan.

   Wala ng eroplanong papunta sa tacloban. Masyado ng atrasado at gahol sa oras para makapanigurado ako ng byahe direkta sa tacloban, ang tanging paraan na lamang ay ang mga bagay na di ko masyadong inaasahan.

   Umalis ako sa manila ng sais ng umaga sakay ng eroplano, kung anung tatak eh bahala na kayo. Dumating ako sa cebu ng 30 minutos pasado alas siyete. Pagbaba ng eroplano dumirecho agad ako sa sakayan ng taxi, taxi na maghahatid sa akin papuntang pier. Sa aking maiksing paglalakbay mula paliparan hanggang sa pier, napuna ko ang itsura ng cebu, di na halos nalalayo ang itsura nito sa mga prominenteng siyudad sa metro manila. Dumating ako sa pier na may dalang pagkamangha at panghihinayang namangha dahil nasa isang lugat ako na noon ko pa lamang narating at panghihinayang dahil di ko makikita ng lubusan ang kagandahan ng nasabing lugar. Dumating ako sa pier ng pasado alas otso, kung ano ang eksaktong oras ay di ko alam. Bumili ako ng ticket, pumasok sa pier at naghintay na makasakay sa bangka na patungong ormoc.

   Umalis ang ferry ng 30 minutos pasado alas onse at dahil 4 na oras ang byahe isinalaksak ko sa tenga ko ang aking earphones at natulog. Nagising ako sa kalagitnaan ng byahe at napansin ko ang mga isla na tila matatagalan pa bago ko sila marating. Di na ako nakatulog pagkatapos noon at ako ay nagmasid na lang sa paghamapas ng dagat sa sinasakyan kong bangka.

   Pagdating ko sa ormoc di ko na siya masyadong nalibot sapagkat, sumakay na kaagad ako sa isang sasakyan patungo ng tacloban, ang aking huling destinasyon sa araw na iyon. Isa lang ang mapapansin mo sa ormoc andun pa rin at kitang kita ang bakas ni yolanda. Hindi ko na rin masyadong kinaya ang aking pagod kaya ako ay naidlip habang kami ay bumibyahe, nagising na lang ako ng nasa bandang palo na ako. Ng ako ay nasa palo na doon ko napansin ang itsura ng pagkasira na dulot ni yolanda, bagamat dahan dahan na siya naitataguyod bakas pa rin sa kapaligiran ang iniwang marka ng bagyo. Di kalaunan ay nakarating na ako sa tacloban halos pareho lang sila ng itsura ng palo mas marami lang makikitang sira sirang gusali sa lugar na ito. 

   Bumaba ako at nagmasid, lumibot ang paningin at nakita na bagama't di ganoon kabilis ang pagbangon ng kanilang lugar bakas sa kanilang mukha, ang mukha ng isang taong lalaban at babangong muli.

   Pagkatapos kong gawin ang aking trabaho sa isang ospital sa tacloban at isang ospital sa palo napansin ko na ang mga dahilan kung bakit napagawa ang mga ospital na iyon ay di dahil sa ating pamahalaan kundi dahil sa mga organisasyon na totoong tumutulong sa mga nangangailangan.  At kung bakit nasabi ko na di dahil sa pamahalaan, ibang usapan na lang dahil sa istorya kong ito ako ay isa lamang akong manlalakbay at di isang kritiko.

   Mula tacloban ako ay naglakbay papuntang guiuan samar upang dun na matulog dahil maaga pa ang gagawin kong trabahoo doon kinabukasan. Sa aking pagbaybay mula leyte hanggang samar, ako ay dumantay lang sa bintana at pinagmasdan ang kapaligiran. Dama ko ang lungkot ng lugar ng aking nakikita pero bakas ang dating ganda na pinakikita nya noon.

   Madilim ang paligid, mga bahay na sira sira at giba, ugong ng mga generator sa mangilan-ngilang bahay at ang mga tao'y palakad-lakad sa labas ng kanilang mga tahanan. Yan ang bumulaga sa akin sa guiuan, mahirap lunukin ang katotohan na hindi magiging mahimbing at mapayapa ang pagpapalipas ko ng gabi dito. Sumakay ako sa isang pedicab, nagpatulong maghanap ng matutuluyan, pagkalipas nga halos isang oras ng paghahanap nakakita rin kami ng hotel na may bakanteng isang kwarto at may kuryente. Di na ako namili ako ay tumuloy na, tapos pagkalapag ko ng aking gamit, binalikan at binayaran ko ang tumulong sa akin ng halagang tingin ko ay nararapat sa kanyang serbisyo. Bagama't nagulat siya sa di inaasahang laki ng halaga ng binigay ko, alam ko sa sarili ko na kailangan na kailangan nya ang inabot kong pera at tiyak ko na malaking tulong iyon para kahit papaano eh makakain sila sa mga susunod na araw.

   Kinabukasan sakay ng isang pedicab ay nagtungo na ako sa ospital na kung saan ako ay naatasang magtrabaho. Di na ako nabigla sa nakita, maganda ang bagong tayong ospital, maliit pero maganda naman kahit papaano. Pareho sila ng dalawang ospital na aking napuntahan, nagawa sila ng dahil sa mga tulong ng mga dayuhan at hindi dahil sa ating gobyerno. Pagkatapos ng aking gawain ay nagtungo na ako sa terminal ng sasakyan pabalik ng tacloban, binalak ko pang doon na sana matulog kaso mas pinili kong maglagi sa tacloban para mas mahimbing ang aking pagtulog. Pagdating sa tacloban ako ay agarang tumuloy sa isang hotel at nagpahinga para magkaroon ng lakas para sa gagawin kong trabaho kinabukasan.

   Bandang alas singko ng umaga ako ay nagtungo papunta ng balangiga para gawin ang aking huling trabaho. Katulad ng guiuan, bakas sa balangiga ang epekto Ni yolanda. Bagama't kita ang mga tinatayong mga bahay di pa rin nito kayang takpan ang sira na inabot mula sa delubyo. Nagtungo ako sa ospital para gawin ang aking trabaho pero ang tumambad sa akin ay ang sira sirang gusali para sa mga doktor at mga taong gustong magpagamot. Di naman karamihan ang tao, pero di pa rin sapat ang sira-sirang ospital para sila ay maserbisyuhan lahat. Habang ginagawa ko ang aking trabaho tinanung ko ang isang pinuno n ospital kung anong pagbabago sa lugar nila paglipas ng isang taon. Simple lang ang sinabi nya, "ang tanging pagkakaiba nung nagyolanda at ngayun ay ang kulay ng damo, dati kasi kulay brown siya dahil naubos ang mga damo, pero ngayun green na dahil tumubo na sila. Kung tatanungin mo naman ako tungkol sa buhay dito, walang pinagkaiba." Sa sinabi nyang iyon mas lalo akong nanlumo sa ating gobyerno, pero tumahimik na lamang ako at pinagpatuloy ang aking trabaho. Pagkatapos ng aking trabaho ako ay nagpaalam, at tumungo na pabalik ng tacloban upang makapagpahinga. 

   Ako ay maagang nagpahinga dahil kinabukasan ako ay nakatakdang umuwi pabalik ng maynila. Gumising ako ng maaga at nagtungo na sa terminal ng van na sasakyan ko pa ormoc. Kung paano ako nagpunta ay ganun din ako babalik, sa kadahilanang pareho sa dahilan nung papunta pa lang ako. 

   Habang bumibyahe pauwi sa aking pinanggalingan na syudad ng Quezon, ay dala-dala ko ang mga ala-ala nang isang lugar na bagama't dinurog at sinira ng isang pagkakataon ay dahan dahang babangon muli. Ang lugar na alam kong sa pagbalik ko ay wala na ang bakas ng mga pangyayaring nagturo sa mga taga doon na walang permanente sa mundo at lahat ay pwedeng magbago sa isang iglap. Di ko makakalimutan ang nangyari sa akin, isa itong pangarap na natupad at isang bangungot. pangarap dahil narating ko rin ang lugar na ito at nakatulong pa ako para mapabuti kahit papaano ang kalagayan nila. Bangungot dahil habambuhay ng dala-dala ng aking isipan ang aking mga nasaksihang kalungkutan at kahirapan na pinakita ng mga taga doon.

galing dito ang picture